Mt. Bulaylay Trail of Faith Clean-Up Drive Successfully Conducted

Published on January 24, 2025 • LGU Cuyapo Public Information Office

Pinangasiwaan mismo ng ating Punong Bayan, Mayor Jose S. Hidalgo Jr., ang isinagawang Trail of Faith Clean-Up Drive sa Mt. Bulaylay, katuwang ang mga benepisyaryo ng TUPAD–DOLE mula sa Bayan ng Cuyapo, Nueva Ecija. Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na mapanatili ang kaayusan, kalinisan, at kaligtasan ng isa sa pinakasikat na destinasyon ng mga manlalakbay at deboto sa ating bayan. Sa masiglang pakikiisa ng mga TUPAD workers, matagumpay na naisagawa ang malawakang paglilinis sa buong paligid ng Trail of Faith. Kabilang dito ang pagtanggal ng mga nagkalat na basura, pag-aayos ng mga daanan, at pagsigurong ligtas at maaliwalas ang daraanan ng mga umaakyat sa bundok.

Ang kanilang sama-samang pagkilos ay patunay ng matibay na bayanihan at malasakit para sa kalikasan. Bilang pagkilala at pasasalamat sa kanilang sipag at dedikasyon, naghandog si Mayor Hidalgo Jr. ng munting pameryenda para sa lahat ng lumahok sa gawain. Lubos ang pasasalamat ng ating LGU sa kanilang oras, lakas, at suporta para maisakatuparan ang programang ito. Patuloy ang ating lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng mga inisyatibong nagtataguyod ng kalikasan, turismo, at komunidad, bilang bahagi ng hangarin na mapaunlad ang Cuyapo at mapanatili ang kagandahang likas na ipinagkaloob sa atin.

Sa pagtatapos ng programa, nanawagan ang lokal na pamahalaan sa publiko—lalo na sa mga bumibisita sa Mt. Bulaylay—na ugaliing panatilihing malinis ang kapaligiran at sumunod sa mga itinakdang patakaran upang mapangalagaan ang lugar para sa mga susunod pang henerasyon.

← Back to News Share Article